Skip to main content

Tagalog - The Gospel of Matthew

Page 1

Matthew KABANATA 1 1 Ang aklat ng lahi ni Jesucristo, na anak ni David, na anak ni Abraham. 2 Naging anak ni Abraham si Isaac; at naging anak ni Isaac si Jacob; at naging anak ni Jacob si Juda at ang kaniyang mga kapatid; 3 At naging anak ni Juda kay Tamar si Fares at si Zara; at naging anak ni Fares si Esrom; at naging anak ni Esrom si Aram; 4 At naging anak ni Aram si Aminadab; at naging anak ni Aminadab si Naason; at naging anak ni Naason si Salmon; 5 At naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz; at naging anak ni Booz kay Rut si Obed; at naging anak ni Obed si Jesse. 6 At naging anak ni Jesse ang haring si David; at naging anak ni David si Salomon, doon sa naging asawa ni Urias; 7 At naging anak ni Salomon si Reboam; at naging anak ni Reboam si Abias; at naging anak ni Abias si Asa; 8 At naging anak ni Asa si Josafat; at naging anak ni Josafat si Joram; at naging anak ni Joram si Ozias; 9 At naging anak ni Ozias si Joatam; at naging anak ni Joatam si Acaz; at naging anak ni Acaz si Ezequias; 10 At naging anak ni Ezequias si Manases; at naging anak ni Manases si Amon; at naging anak ni Amon si Josias; 11 At naging anak ni Josias si Jeconias at ang kaniyang mga kapatid, nang panahon ng pagkadalang-bihag sa Babilonia. 12 At pagkatapos nang pagkadalangbihag sa Babilonia, ay naging anak ni Jeconias si Salatiel; at naging anak ni Salatiel si Zorobabel; 13 At naging anak ni Zorobabel si Abiud; at naging anak ni Abiud si Eliaquim; at naging anak ni Eliaquim si Azor; 14 At naging anak ni Azor si Sadoc; at naging anak ni Sadoc si Aquim; at naging anak ni Aquim si Eliud; 15 At naging anak ni Eliud si Eleazar; at naging anak ni Eleazar si Matan; at naging anak ni Matan si Jacob; 16 At naging anak ni Jacob si Joseph na asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus, na tinatawag na Cristo. 17 Kaya't ang lahat ng salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David ay labing apat na salinlahi; at mula kay David hanggang sa pagkadala sa Babilonia ay labing apat na salinlahi; at mula sa pagkadala sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labing-apat na salinlahi. 18 Ngayon ang kapanganakan ni Jesu-Cristo ay ganito: Nang ang kaniyang ina na si Maria ay naging asawa ni Joseph, bago sila nagsama, siya ay nasumpungang nagdadalang-tao ng Espiritu Santo. 19 Nang magkagayo'y si Joseph na kaniyang asawa, palibhasa'y isang lalaking matuwid, at hindi ibig na siya'y gawing huwaran sa madla, ay nag-isip na ihiwalay siya nang lihim. 20 Datapuwa't samantalang iniisip niya ang mga bagay na ito, narito, nagpakita sa kaniya ang anghel ng Panginoon sa panaginip, na nagsasabi, Joseph, ikaw na anak ni David, huwag kang matakot na kunin mo si Maria na iyong asawa: sapagka't ang ipinaglihi sa kaniya ay sa Espiritu Santo.

21 At manganganak siya ng isang lalake, at tatawagin mo ang kaniyang pangalan na JESUS: sapagka't ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan. 22 Ngayon ang lahat ng ito ay nangyari, upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, 23 Narito, ang isang birhen ay magdadalang-tao, at manganganak ng isang lalaki, at tatawagin nila ang kaniyang pangalan na Emmanuel, na kung liliwanagin ay, Sumasa atin ang Dios. 24 Nang magkagayo'y bumangon si Joseph sa pagkakatulog, ay ginawa niya ang iniutos sa kaniya ng anghel ng Panginoon, at kinuha ang kaniyang asawa: 25 At hindi siya kinilala hanggang sa maipanganak niya ang kaniyang panganay na lalaki: at tinawag niya ang kaniyang pangalan na JESUS. KABANATA 2 1 Nang ipanganak nga si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa mga kaarawan ni Herodes na hari, narito, may nagsidating na mga pantas na lalaki mula sa silangan sa Jerusalem, 2 Na sinasabi, Saan naroon ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? sapagka't nakita namin ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya'y sambahin. 3 Nang marinig ni Herodes na hari ang mga bagay na ito, siya ay nabagabag, at ang buong Jerusalem na kasama niya. 4 At nang matipon niya ang lahat ng mga punong saserdote at mga eskriba ng bayan, ay itinanong niya sa kanila kung saan ipanganganak ang Cristo. 5 At sinabi nila sa kaniya, Sa Bethlehem ng Judea: sapagka't ganito ang isinulat ng propeta, 6 At ikaw Bethlehem, sa lupain ng Juda, ay hindi ang pinakamaliit sa mga prinsipe ng Juda: sapagka't sa iyo magmumula ang isang Gobernador, na magpupuno sa aking bayang Israel. 7 Nang magkagayo'y si Herodes, nang tawagin nang lihim ang mga pantas, ay tinanong sila nang buong sikap kung anong oras lumitaw ang bituin. 8 At sinugo niya sila sa Bethlehem, at sinabi, Yumaon kayo, at hanapin ninyong mainam ang bata; at kapag nasumpungan na ninyo siya, muling ibalita sa akin, upang ako ay pumaroon at sambahin din siya. 9 Nang marinig nila ang hari, sila'y nagsialis; at, narito, ang bituin, na kanilang nakita sa silanganan, ay nauna sa kanila, hanggang sa dumating at tumayo sa kinaroroonan ng bata. 10 Nang makita nila ang bituin, sila'y nagalak ng labis na kagalakan. 11 At nang sila'y pumasok sa bahay, ay nakita nila ang bata na kasama ni Maria na kaniyang ina, at sila'y nagpatirapa, at siya'y sinamba: at nang kanilang mabuksan ang kanilang mga kayamanan, ay kanilang inihandog sa kaniya ang mga kaloob; ginto, at kamangyan, at mira. 12 At palibhasa'y binalaan ng Dios sa panaginip na huwag nang magsibalik kay Herodes, ay nagsiuwi sila sa kanilang sariling lupain sa ibang daan. 13 At nang sila'y makaalis na, narito, ang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Joseph sa panaginip, na nagsasabi, Bumangon ka, at dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina, at tumakas ka sa Egipto, at doon ka hanggang sa sabihin ko sa iyo ang salita: sapagka't hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin siya.


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Tagalog - The Gospel of Matthew by Filipino Tracts and Literature Society Inc. - Issuu