I-scan para sa digital na kopya
SETYEMBRE 2023 - ABRIL 2024
Ang Opisyal na Pahayagan sa Filipino ng Philippine Science High SchoolWestern Visayas Campus
ELLEN FAYE YABUT
B
inawasan ng Department of Budget and Management (DBM) ng P300-milyon ang 2024 funding ng Philippine Science High School System (PSHSS) batay sa General Appropriations Act (GAA) na isinumite nito sa kongreso noong Agosto 2, 2023. Ayon sa DBM, kinaltasan ng 11 na porsyento ang badyet sa capital outlay o mga proyektong pangimprastraktura ng PSHSS, kaya bumaba ang pondo sa P2.7-bilyon mula sa P3-bilyon nang nakaraang fiscal year. Una rito, ipinanukala ng PSHSS ang P4.214bilyon na badyet sa 2024, subalit P2.7-bilyon lamang ang inaprubahan dahil patapos na rin ang karamihan sa mga proyektong pang-imprastraktura sa 16 na mga kampus ng sistema. Matatandaang inilaan ang karamihan sa nakaraang mga pondo ng sistema sa pagpapatayo ng karagdagang mga silid-aralan at mga gusali para sa rehiyonal na mga kampus noong kasagsagan ng implementasyon ng K to 12 na kurikulum. Dala ng kakulangan sa badyet, hindi na matutustusan pa ng PSHSS ang learning management system nito na Knowledge Hub, na nagsilbing pangunahing plataporma sa pagtuturo at pagkatuto sa panahon ng pandemya. Sa kabila ng malaking kaltas sa iminungkahing pondo ng sistema, nilinaw ni Shena Faith Ganela, direktor ng PSHS - Western Visayas Campus (WVC), na hindi maaapektuhan ang karaniwang operasyon ng institusyon. Giit niya, “Wala namang pagbabago sa sahod ng kaguruan, at hindi rin maaapektuhan ang stipend ng mga mag-aaral. Katunayan, tumaas pa nga ang para sa iskolarsyip dahil nagdagdag na naman tayo ng isa pang seksiyon ng mga mag-aaral sa Senior Years Program.” Sapagkat kabilang ang WVC sa mga kampus na unang ipinatayo, hindi na isinaalang-alang pa ng DBM ang paglaan ng badyet sa imprastraktura; sa halip, nagbigay na lamang ito ng P6-milyon para sa pagbili ng kagamitan sa mga opisina at isang sasakyan para sa opisyal na mga transaksyon sa labas ng institusyon. “Nagiging hamon nga lang ang inflation rate, sapagkat hindi ito tiyak na maisaalangalang sa pagpaplano at pagtataya ng mga gastusin. Halimbawa, 20 na bahagdan ng badyet lamang ang idinagdag sa kasalukuyang pondo para sa bayarin sa kuryente, ngunit higit na tumaas kaysa sa inaasahan ang gastusin bunga ng pag-akyat ng inflation rate sa elektrisidad,” tugon ni Direktor Ganela kung bakit nahaharap minsan sa suliranin sa pananalapi ang institusyon. Dahil sa nasabing problema, hinigpitan ng paaralan ang paggamit ng elektrisidad sa unang kalahati ng taong pampaaralan, subalit pinaluwag din pagkatapos ang implementasyon nito dulot ng pagtaas ng heat index sa bansa. Sa kabila nito, patuloy na sinisiguro ng administrasyon ang responsableng pamamahala sa pondong inilaan para sa kampus nang may pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga iskolar at mga kawani.
P2.7-B P3-B
NANG 2023 ANG BADYET NG PSHSS SA 2024
MULA SA
Mabilis na pagsaayos ng pasilidad, hiniling ng mga iskolar sa gitna ng high heat index ZIYI JESICA ADUANA
N
aghinaing ang mga mag-aaral ng Philippine Science High School - Western Visayas Campus (PSHS-WVC) sa pangangailangan ng maayos na mga pasilidad at maagap na aksyon mula sa administrasyon upang labanan ang mataas na heat index simula Abril 2024. Ibinahagi ng Student Executive Council (SEC), organisasyon ng mga pinuno ng lahat ng mga pangkat sa ilalim ng Student Alliance (SA), na pangunahing suliranin ng paaralan ang kawalan ng tamang air ventilation systems at mabagal na pagkumpuni ng lumang mga air conditioning unit sa silid-aralan. Ayon kay Leanne Clarisse Losañes, presidente ng SA, “Tila may kakulangan sa pagtingin sa hinaharap sa pagbuo ng mga pasilidad sa paaralan, na hindi naaayon sa mainit na klima ng bansa. Tinutukan ng administrasyon ang pansamantalang solusyon, tulad ng online classes kaysa sa pangmatagalang mga solusyon tulad ng pagpapabuti ng bentilasyon ng mga imprastraktura ng paaralan.” Dahil dito, napilitan ang karamihan sa mga mag-aaral at mga gurong tiisin na lamang ang init ng panahon habang nangangamba sa malaking epekto nito sa kalidad ng pagkatuto at sa kanilang kalusugan. “Bagaman kinikilala natin ang pangangailangan sa pagpapabuti ng mga pasilidad sa paaralan ngayong mataas ang heat index, limitado lamang ang pondo ng institusyon, at hindi ito naisaalang-alang sa pagpaplano
ng badyet na ginanap dalawang taon na ang nakalipas,” giit ni Direktor Shena Faith Ganela. Bilang sagot sa paglala ng sitwasyon dulot ng kakulangan sa mga pasilidad, agad na ipinatupad ng administrasyon ang online classes upang maipagpatuloy ang pagkatuto, lalo na at palaging suspendido ang pasok sa huling mga linggo ng taong pampaaralan. Gayunpaman, ayon sa resulta ng sarbey na isinagawa ng Student Alliance (SA), 76 na bahagdan ng mga mag-aaral ang nais manatili sa face-to-face classes dahil sa mabagal na koneksyon sa internet sa bahay at sa kahirapan sa pag-aangkop sa birtwal na paraan ng pagkatuto. Upang tugunan ang mga suliraning kinahaharap ng mga mag-aaral, ipinatutupad ng administrasyon ang Learning Continuity Plan sa paaralan, kung saan nagsasalitan kada linggo ang online classes at face-to-face classes ng Foundation Years Program (Baitang 7 at Baitang 8) at ng Advancement Years Program (Baitang 9 at Baitang 10), habang ang Specialization Years Program (Baitang 11 at Baitang 12) naman ay pinanatili sa face-to-face dahil air-conditioned ang kanilang mga klasrum. Ginamit na rin bilang silid-aralan ang air-conditioned na mga laboratoryo upang maipagpatuloy ang harápang mga klase. Kaagad namang nakikipag-ugnayan ang SEC sa administrasyon kung may sirang mga bentilador at mga air-conditioning unit, na nangangailangan ng agarang pagsasaayos.